Pinoy tankers nagpasiklab sa World Juniors
MANILA, Philippines — Magarbong tinapos ng national junior swimming team ang kanilang kampanya sa 8th FINA World Junior Swimming Championships na ginanap sa Lima, Peru.
Bago pa man magsara ang kumpetisyon, nasiguro ni Gian Santos ang ikatlong puwesto sa Heat 2 ng men’s 1,500m freestyle kung saan nagsumite ito ng 16 minuto at 42.57 segundo.
Nanguna sa naturang heat si Adrian Guztavo Ywanaha Papi ng host Peru na naglista ng malayong 16:16.75 habang pumangalawa si Jose Manuel Campo ng Estonia na may 16:31.33.
Nasiguro naman ni Alexander Eichler ang ikapitong puwesto sa Heat 4 ng men’s 200m butterfly event matapos magsumite ng 2:07.98.
Malayo ang naitalang oras ni heat topnotcher Michal Chmielewski ng Poland na may nakuhang 1:59.78.
Nasa ikalawa si Mark Horvath ng Austria na naorasan ng 2:02.21 at ikatlo naman si Simon Bermudez Santa Maria ng Colombia na kumana ng 2:05.75.
Nakatakdang bumalik ng Pilipinas ang buong delegasyon ng Philippine Swimming Incorporated bitbit ang magandang karanasan na magagamit para sa mga susunod na international tournaments na lalahukan ng Pinoy tankers.
Kasama rin sa delegasyon sina Philippine national junior record holder Micaela Jasmine Mojdeh, Heather White, Ruben White at Amina Bungubung.
Sunod na lalahukan ng Pinoy squad ang Southeast Asian (SEA) Age Group Swimming Championships na gaganapin sa Disyembre.
- Latest