Cesista wagi ng MOS sa FINIS
MANILA, Philippines — Nasikwat ni Arrina Cesista ang Most Outstanding Swimmer (MOS) award matapos humakot ng walong gintong medalya sa 2022 FINIS Short Course Swimming National Finals na nagtapos kahapon sa New Clark Aquatics Center sa Capas, Tarlac.
Winalis ni Cesista ang lahat ng walong events nito sa girls’ 7-8 class kabilang na ang pamamayagpag sa 50m butterfly (50.52), 100m backstroke (1:43.31) at 50m breaststroke (53.50).
“Natutuwa po ako kasi po sa ensayo namin yung focus namin manalo, natupad naman po,” ani Cesista na lumakas ang tsansang mapasama sa national swimming team.
Nakahirit din si Cesista ng ginto sa 100m Individual Medley (1:44.60), 100m butterfly (2:01.43), 50m backstroke (49.72), 100m breaststroke (2:00.11) at 50m freestyle (44.60).
Nakahirit naman si Czarina Cavite ng karagdagang isang ginto sa girls’ 9-10 50m butterfly (40.94) at isang pilak sa 50m breaststroke (45.84) sa huling araw ng kumpetisyon.
Una nang nakasikwat si Cavite ng tatlong ginto sa 100mm IM (1:28.83), 100m butterfly (1:32.29) at 50m freestyle (35.41).
“Actually, yung commitment ng FINIS hindi natatapos sa swimming. This September where holding the Kids Thriathlon here in Clark,” ani FINIS president Vince Garcia.
Wagi rin ng ginto sina Ichico Velez sa boys’ 9-10 100m butterfly (1:53.40); Daniel Ocampo sa boys’ 11-12 200 butterfly (1:07.63), Gilbert Gonzalvo sa boys’ 13-14 300m butterfly (1:02.46), Kobe Ramirez sa boys’ 15-16 400m butterfly (1:00.21) at Anton Malayang sa boys’ 500m butterfly 15-16 (1:03.80).
Nakasiguro rin ng ginto sina Kaelan Garzon sa boys’ 17-18 100m freestyle (57.91), Joco Delizo sa boys’ 19-over 50m freestyle (1:00.75), Kyle Belicena sa girls’ 11-12 200m freestyle (1:14.78) at Rianna Montelibano sa girls’ 13-14 100m butterfly (1:10.00).
- Latest