Mojdeh bumandera sa Grand Prix
MANILA, Philippines — Nagparamdam agad ang Swim League Philippines-Behrouz Elite Swimming Team (SLP-BEST) sa 2022 PSI Long Course Grand Prix Qualifying Series NCR Leg sa Teofilo Ydelfonso Swimming Pool sa Rizal Memorial Sports Complex.
Bumandera sa ratsada ng SLP-BEST si Philippine national junior record holder Micaela Jasmine Mojdeh na nagpasiklab sa women’s 400m freestyle event.
Nagsumite ang 16-anyos na pambato ng Brent International School ng bilis na apat na minuto at 40.98 segundo sapat para magkuwalipika sa susunod na yugto ng Grand Prix.
Hindi inaasahan ni Mojdeh ang magandang oras dahil nasa kasagsagan ang kanilang koponan sa ensayo para sa mas malalaking torneong lalahukan ng koponan.
Sunod na pagtutuunan ng pansin ni Mojdeh ang PSI Grand Prix National Finals sa Oktubre.
Ang Grand Prix National Finals ay magsisilbing qualifying event para makapaglaro sa SEA Age-Group Swimming Championships sa Malaysia sa Disyembre.
“I am looking forward to the Grand Prix Finals in October for a better chance of aiming for best time and hopefully get the QTA in SEA Age for December,” sabi ni Mojdeh.
Maliban kay Mojdeh, nagkuwalipika rin ang iba pang miyembro ng SLP-BEST na sina Filipino-British Heather White at Ruben White, Filipino-Dutch Marcus De Kam at Julian De Kam at Immaculate Heart of Mary College-Paranaque standout Julia Ysabelle Basa.
- Latest