Biado sumemplang sa 4th place
MANILA, Philippines — Bigo si world pool champion Carlo Biado na maidepensa ang kanyang men’s 9-ball crown matapos matalo kay Joshua Filler ng Germany, 8-11, sa semifinals sa World Games sa Birmingham, Alabama.
Hindi nakawala ang 31st Southeast Asian Games champion nang magtabla sa 6-6 ang kanilang laban ni Filler matapos ang scratch sa 2-9 combination.
Sinamantala ito ng German at nilimas ang lamesa patungo sa pagpasok sa finals.
Matapos ang kabiguan ni Biado, ang 2017 World Games gold medalist, ay natalo naman siya kay Aloysius Yapp ng Singapore, 8-11, sa bronze medal match.
Nagtapos lamang si Biado sa fourth place.
Sa duathlon, tumapos naman si Fil-Spaniard Fer Caseres sa No. 14 sa kanyang itinalang isang oras, 53 minuto at 57 segundo.
Nagkaroon ng disqualification si Kim Mangrobang sa women’s side makaraan ang kalituhan sa technical course dahil sa palpak na pag-organisa sa event.
Nakatakdang sumabak sina Mangrobang at Caseres sa mixed relay event.
- Latest