TNT ayaw paawat
MANILA, Philippines — Hindi tatawaging ‘best point guard in Asia’ si Jayson Castro kung walang dahilan.
Isinalpak ni Castro ang krusyal na three-point shot sa huling 33.9 segundo patungo sa 117-112 panalo ng nagdedepensang TNT Tropang Giga kontra sa NorthPort sa PBA Philippine Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Tumapos si Castro na may 17 points, 8 assists, 6 rebounds at 2 steals para sa ikaapat na dikit na ratsada ng Tropang Giga (6-2) habang tumipa si Season 46 Rookie of the Year Mikey Williams ng 27 markers tampok ang limang triples.
“Obviously, our objective is to win as many games as possible before we play the giants at the end of our schedule,” sabi ni coach Chot Reyes.
Nagdagdag si RR Pogoy ng 22 points kasama ang apat na tres at may 17 at 12 markers sina Poy Erram at Jjay Alejandro, ayon sa pagkakasunod.
Sinalo ni Roi Sumang ang naiwang trabaho ni Robert Bolick, nagkaroon ng right ankle sprain sa first period, para sa Batang Pier (2-4) sa kanyang 24 points 10 assists at 4 rebounds.
Ito ang pang-apat na sunod na kamalasan ng koponan ni coach Pido Jarencio.
Samantala, muling sinolo ng San Miguel (5-1) ang liderato matapos angkinin ang 99-93 panalo laban sa Rain or Shine (1-5).
Kumamada si CJ Perez ng 21 points, 5 assists at 4 rebounds para sa ikalawang sunod na pananalasa ng Beermen na nakahugot kay six-time PBA MVP June Mar Fajardo ng 16 boards, 10 markers, 7 assists at 3 blocks.
- Latest