Ika-3 sunod na panalo kinuha ng Netherlands
MANILA, Philippines — Dumiretso ang World No. 15 Netherlands sa kanilang ikatlong sunod na ratsada matapos igupo ang World No. 8 Slovenia, 25-17, 25-21, 26-24, sa men’s Volleyball Nations League Week 2 kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Humataw si Nimir Abdel-Aziz ng match-best na 18 points tampok ang 15 attacks at nag-ambag sina Bennie Tuinstra Jr. at Thijs Ter Horst ng 13 at 12 hits, ayon sa pagkakasunod.
Nauna nang nagmula ang mga Dutchmen sa 22-25, 26-24, 25-22, 25-17 pagkatalo sa mga Japanese at sa mga Americans, 25-12, 25-18, 25-16, sa Week 1 sa Brasilia, Brazil.
Mula rito ay bumalikwas ang Netherlands para gibain ang reigning Asian Games champion na Iran, 26-24, 25-21, 25-21, noong Hunyo 11 at ang Australia, 25-20, 25-15, 25-23, noong Hunyo 13.
Umakyat ang Netherlands sa No. 6 mula sa kanilang 3-2 record.
Nalaglag naman ang mga Slovenians sa 11th spot sa bitbit na 2-3 baraha.
Samantala, kinansela ang laro ng China at reigning Olympic champion na France dahil sa pagkakaroon ng ilang Chinese players ng COVID-19.
Dahil dito ay ibinigay ng nag-oorganisang FIVB at Volleyball World sa French ang tatlong puntos sa torneong inihahandog ng PLDT kasama ang The STAR, Quezon City Mayor Joy Belmonte, Maynilad, Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee.
- Latest