Williams hahakot ng 3 tropeo sa PBAPC Awards Night
MANILA, Philippines — Igagawad kay Season 46 Rookie of the Year Mikey Williams ng TNT Tropang Giga ang tatlong tropeo sa 2022 PBA Press Corps Awards Night sa Hunyo 21 sa Novotel Manila Araneta Center.
Pamumunuan ng Fil-Am guard ang All-Rookie team kasama sina Jamie Malonzo (NorthPort), Calvin Oftana (NLEX), Leonard Santillan (Rain or Shine) at Joshua Munzon (Terrafirma).
Naging susi ang 30-anyos na si Williams sa pagkopo ng TNT sa Season 46 Philippine Cup kung saan siya hinirang na Finals MVP.
Kandidato din ang 2020 No. 4 pick overall pick sa Season MVP award at kabilang sa Mythical First Team.
Bukod sa All-Rookie team ay kikilalanin din si Williams bilang Scoring Champion ng Season 46 na tumapos sa two-year reign ni San Miguel wingman CJ Perez.
Makakasama ng Los Angeles, California native sina Ian Sangalang (Magnolia), Matthew Wright (Phoenix) at Robert Bolick (NorthPort) na bibigyan ng Order of Merit.
Papangalanan din ang Coach of the Year, Executive of the Year, Defensive Player of the Year, Mr. Quality Minutes, ang Bogs Adornado Comeback Player of the Year at ang Game of the Season.
Sina Chot Reyes ng TNT Tropang Giga at Tim Cone ng Barangay Ginebra ang nag-aagawan sa Coach of the Year plum na ipinangalan kay ‘Maestro’ Virgilio ‘Baby’ Dalupan.
Iginiya ni Reyes ang TNT sa paghahari sa Philippine Cup habang tinulungan ni Cone ang Gin Kings sa pagkopo sa ikaapat na Governors Cup title sa nakaraang anim na taon.
- Latest