Oranza ‘di matibag; Morales sa Stage 8
ECHAGUE, Isabela, Philippines — Sinikwat ni Excellent Noodles rider Jan Paul Morales ang Stage 8 ng LBC Ronda Pilipinas 2022 pero hindi sapat upang maagaw ang top spot sa individual general classification.
Ito’y dahil nakasunod si Navy Standard Insurance rider Ronald Oranza nang tumawid sa meta si two-time champion Morales.
Nireshistro ng 36-anyos na si Morales ang apat na oras, 41 minuto at 31 segundo sa 170.4-kilometer Stage Eight na nagsimula sa Baler, Aurora at nagtapos sa municipal hall dito, pumangalawa si 2019 Ronda champion Oranza habang terserong tumawid sa finish line si Marcelo Felipe ng Team Nueva Ecija.
Hawak pa rin ni Oranza ang overall lead matapos lumikom ng 27:50:47, lamang siya ng 38 segundo sa pumangalawang si Morales habang tatlong minuto at walong segundo ang hinahabol naman ng nasa third spot na si Jonel Carcueva ng Go for Gold.
Aminado si Villasis, Pangasinan native, Oranza na hindi pa sigurado na masusungkit nito ang korona sa 10-Stage event na suportado ng LBC Express, Inc., MVP Sports Foundation, Quad X, Smart, Twin Cycle Gear at Standard Insurance.
“Hindi pa natin masasabi, konti lang ang lamang natin pero gagawin natin ang lahat para manalo at sa tulong mga ng kasama ko malaki ang chance na makuha,” saad ng 29-anyos na si Oranza.
Nasa top 10 ng general classification sina No. 4 Ronald Lomotos (Navy), 5th Felipe, 6th El Joshua Carino (Navy), 7th Jeremy Lizardo (Navy), 8th Ryan Tugawin (EXN), 9th John Mark Camingao (Navy) at 10th Jericho Jay Lucero (G4G).
Samantala, hawak pa rin ng defending champion Navy Standard Insurance ang No. 1 spot sa general team classification, pangalawa ang Excellent Noodles habang tersero ang Go for Gold.
- Latest