Dindin papalo sa Thailand Volleyball League
MANILA, Philippines — Lilisanin muna ni outside hitter Dindin Santiago-Manabat ang Pilipinas dahil sasabak ito sa Thailand Volleyball League.
Pormal nang pumirma ng kontrata si Santiago-Manabat bilang bagong miyembro ng Nakhon Ratchasima.
Makakatuwang ni Santiago-Manabat sa front line si opposite hitter Mylene Paat upang palakasin pa ang Nakhon Ratchasima partikular na sa krusyal na second round ng torneo.
Daraan muna si Santiago-Manabat sa safety and health protocols sa Thailand kabilang na ang swab testing bilang bahagi ng regulasyon ng bansa.
Sa oras na mabigyan ng clearance, agad na sasalang si Santiago-Manabat sa liga.
Una itong masisilayan sa Pebrero 6 kung saan makakaharap ng Nakhon Ratchasima ang Nakornnont sa alas-11:45 ng umaga.
Umaasa ang pamunuan ng Nakhon Ratchasima na malaki ang maitutulong ni Santiago-Manabat para makapasok ang kanilang tropa sa semifinals.
Inaasahang outside hitter ang magiging puwesto ni Santiago-Manabat sa Nakhon Ratchasima dahil okupado na ni Paat ang opposite position.
Sa nakalipas na PVL Open Conference at Champions League, outside hitter din ang naging puwesto ni Santiago-Manabat.
Ito ang ikatlong commercial team ni Santiago-Manabat sa international tournament.
Una na itong naging import ng Toray Arros at Kurobe Aqua Fairies sa Japan V.League.
Maliban kay Paat, nasa Japan V.League ang kapatid nitong si Jaja Santiago habang kasalukuyan namang nasa Amerika si Filipino-American Kalei Mau na maglalaro naman sa Athletes Unlimited.
- Latest