Djokovic umamin sa pagkakamali sa travel papers
MELBOURNE, Australia - Inamin ni Serbian tennis star Novak Djokovic na nagkaroon ng pagkakamali sa kanyang Australian travel declaration form.
Sa isang statement sa kanyang social media account ay sinisi ng World No. 1 tennis player ang “human error” ng kanyang support team sa kabiguang ideklara na bumiyahe siya sa loob ng dalawang linggo bago pumasok ng Australia.
Ang pagbibigay ng maling impormasyon sa travel declaration form ay maaaring maging batayan para sa deportasyon sa kanya.
Nagkamali rin siya nang pumayag sa isang interview at photo shoot sa Serbia noong nakaraang buwan kahit na nagpositibo siya sa COVID-19.
“We are living in challenging times in a global pandemic and sometimes these mistakes can occur,” sabi ng 34-anyos na si Djokovic.
Nauna nang napaulat na binigyan si Djokovic ng exemption bagama’t hindi pa bakunado para makalaro sa Australian Open sa kabila ng ipinatutupad na mahigpit na vaccination rules sa nasabing bansa.
Wala pang katiyakan kung makakalaro ang nine-time at defending Australian Open champion sa torneo.
Hangad sana ni Djokovic ang men’s record na ika-21 Grand Slam singles title.
- Latest