Marestella tututok na sa bubble training
MANILA, Philippines — Ngayong malaki na ang kanyang anak ay makakapag-concentrate na si national long jumper Marestella Torres sa kanyang pag-eensayo para sa darating na Ayala Philippine Athletics Championships o National Open.
Nasa bubble training na ang three-time Olympian at four-time Southeast Asian Games gold medalist sa Baguio Athletic Bowl sa Baguio City kasama ang 35 pang national athletes.
Isa ang 40-anyos na si Torres sa kakasa sa National Open na nakatakda sa Disyembre 9-10 sa Philsports Complex sa Pasig City.
“Very excited ako na mag-represent sa bansa natin,” wika ni Torres sa Philippine Sports Commission (PSC) Hour program “Parang araw-araw nae-excite ako na i-represent ang bansa natin.”
Hangad ng tubong San Jose, Negros Oriental na muling mapasama sa national team na isasabak ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) sa 31st SEA Games sa Hanoi, Vietnam sa Mayo 12-23 ng susunod na taon.
“Ever since naman ito na ang naging buhay ko na makapagbigay ng karangalan or ire-represent ang Philippines sa larangan ng sports ko sa long jump. Goal ko pa ring makakuha ng podium (finish) sa SEA Games,” ani Torres.
Noong 2019 Manila SEA Games ay nabigo si Torres na makakuha ng medalya matapos lumundag ng 6.16 meters katabla sa third place si Vietnamese bet Vu Thi Mong Mo.
- Latest