Gold, silver kay Yulo
Fig Artistic Gymnastics World championships
MANILA, Philippines — May dahilan na naman ang Pilipinas para magdiwang sa gitna ng kinakaharap na pandemya.
Ito ay matapos angkinin ni national gymnast Caloy Yulo ang gold medal sa men’s vault event ng 50th FIG Artistic Gymnastics World Championships kahapon sa Kitakyushu, Japan.
Nagposte si Yulo ng total score na 14.916 mula sa kanyang 14.000 sa first vault at 15.033 sa second vault para sikwatin ang gintong medalya laban sa pito pang karibal.
Inaasahang bibigyan si Yulo ng cash incentives ng Philippine Sports Commission (PSC) dahil sa kanyang nakamit na karangalan para sa bansa.
Ito ang ikalawang world title ni Yulo matapos magkampeon sa floor exercise ng 2019 edition sa Stuttgart, Germany kung saan niya nakuha ang tiket para sa Tokyo Olympics.
Si Yulo ang ikaapat na atletang nagbigay ng karangalan sa bansa ngayong taon matapos sina Tokyo Olympics weightlifting gold medalist Hidilyn Diaz, U.S. Women’s Open golf champion Yuka Saso at US Open billiards king Carlos Biado.
Hindi naman siya pinalad sa finals ng parallel bars nang makuntento sa silver medal sa kanyang total score na 15.300 mula sa 8.900 sa execution at 6.400 sa difficulty.
Ang gold ay ibinulsa ni Chinese Hu Xuwie (15.466) habang ang kanyang kababayang si Shi Cong (15.066) ang sumikwat sa bronze.
- Latest