Pacquiao greatest southpaw fighter
MANILA, Philippines — Itinuring na greatest southpaw fighter of all time si eight-division world champion Manny Pacquiao matapos ang mahigit dalawang dekada nito sa mundo ng boxing.
Ayon kay boxing expert Bert Sugar, hindi maikakaila na si Pacquiao ang pinakamatikas na kaliweteng boksingero sa kasaysayan ng boksing.
Bakit nga naman hindi, walong championship belt lang naman ang naibulsa nito sa magkakaibang dibisyon — ang bukod-tanging boksingero na nakagawa nito.
“He’s among the all-time greats and probably the greatest left-hander of all time,” ani Sugar na dating editor ng Boxing Illustrated at The Ring Magazine.
Matatandaang tinukoy pa ni Top Rank Promotions chief Bob Arum na mas malakas pa si Pacquiao kumpara kay Muhammad Ali.
Kayang kaya ni Pacquiao na magpatumba ng boksingero gamit ang kaliwa o kanang kamay dahil tunay na mabagsik ang kamao nito.
“His left and right hand hit with equal power and that is what destroys his opponents,” ani Arum.
Kinilala rin ng BoxRec si Pacquiao bilang greatest Asian boxer of all time.
Naungusan nito sina Gennadiy Golovkin, Nonito Donaire, Chris John, Ceferino Garcia, Flash Elorde, Ruslan Chagaev, Pongsaklek Wonjongkam, Toshiaki Nishioka at Khaosai Galaxy.
Kaliwa’t kanan ang papuring ibinibigay kay Pacquiao ilang araw matapos nitong ihayag ang pagreretiro sa boksing.
- Latest