Beermen handang tapatan ang Tropang Giga sa semis
MANILA, Philippines — Ibang-iba ang labanan sa elimination at semifinal round.
Sa kanilang unang pagtutuos ay pinatumba ng San Miguel ang TNT Tropang Giga, 83-67.
Ayon kay Beermen coach Leo Austria, hindi puwedeng ikumpara ang nasabing panalo sa kanilang magiging laro sa best-of-seven semifinals series ng Tropang Giga.
“It just happened na nagkaroon kami ng opportunity na talunin namin sila sa eliminations and that gives us some confidence,” ani Austria. “But semifinals, especially a best-of-seven series, is a different story.”
Sinibak ng No. 1 TNT ang No. 8 Barangay Ginebra, 84-71 habang winalis ng No. 4 SMB ang best-of-three quarterfinals duel nila ng No. 5 NorthPort, 2-0, para itakda ang kanilang semis wars.
Kasalukuyang nasa five-game winning streak ang Tropang Giga ni mentor Chot Reyes na gustong tapusin ng mga alagad ni Austria.
“We know na they are on a roll and they’re playing hard, they’re playing beautiful basketball and are very organized,” wika ng 63-anyos na tubong Sariaya, Quezon. “It’s tough to beat Talk ‘N Text because they are out there in a mission eh,”
Kumpiyansa naman si Austria na makakabalik sa pamatay nilang porma sina guards Alex Cabagnot at Terrence Romeo matapos magkaroon ng knee at Achilles injury, ayon sa pagkakasunod.
“Si Alex at saka si Terrence are still struggling. But I know if they will be given some time to practice with the team, I think makukuha nila iyon,” sabi ng eight-time PBA champion coach.
- Latest