Champions League tuloy sa Nobyembre
MANILA, Philippines — Hindi maaawat ang salpukan ng mahuhusay na volleyball teams sa men’s at women’s divisions mula sa iba’t ibang panig ng bansa dahil tuloy ang Champions League na papalo sa Nobyembre.
Pinaplantsa na ang venue na gagamitin kung saan pinagpipiplian ang pinaka-swak na pagdausan ng torneo lalo pa’t malaking balakid ang quarantine protocols ng mga iba’t ibang local government units.
Kasama sa listahan ang Ilocos Norte, Subic o Pampanga.
Naging host na ang Ilocos Norte ng katatapos na Premier Volleyball League (PVL) Open Conference na ginanap sa Bacarra habang ilang torneo na rin ang ginanap sa Subic gaya ng MPBL at beach volleyball tournaments.
Ang Clark, Pampanga naman ang naging major bubble venue na siyang ginamit sa FIBA Asia Cup Qualifiers at PBA Season 45 Philippine Cup.
Target ganapin ang women’s division sa Nobyembre 9 hanggang 13 habang idaraos naman ang men’s class mula Nobyembre 20 hanggang 26.
Sa kasalukuyan, may siyam na teams na ang nakaabang sa women’s division.
Subalit target ng organizers na limitahan ito sa walong teams lamang upang mas mapabilis ang torneo.
Sa kabilang banda, anim na koponan ang maglalaban laban sa men’s class.
Kabilang sa mga interesadong lumahok ang mga koponan mula sa Negros, Davao, Zamboanga, Baguio at Iligan na siyang hahamon sa mga teams mula NCR.
- Latest