Obiena umakyat sa No. 5 sa world rankings
MANILA, Philippines — Umangat ng isang baitang si national pole vaulter Ernest John Obiena nang pumuwesto sa fifth place sa pinakabagong world rankings.
Ang pag-angat ng posisyon ng 6-foot-2 Pinoy pride ay dahil sa kanyang second-place finish sa nakaraang Paris leg ng bigating Wanda Diamond League.
“World no. 5. An ordinary man guided by God’s extraordinary grace. I may not meet the expectation of all, but I keep trying,” ani Obiena sa kanyang Facebook post kahapon. “Thank you for all the prayers and support.”
Sa kanyang second-place performance sa nasabing Meeting de Paris ay nagposte siya ng 5.91 meters para sirain ang sarili niyang national record na 5.87 na itinala niya noong Hulyo sa isang torneo sa Poland.
Nakatakda siyang bigyan ng Philippine Sports Commission (PSC) ng cash incentive na P250,000 base sa Republic Act 10699 o ang Expanded National Athletes, Coaches and Trainers Benefits and Incentives Act of 2001 dahil sa paglilista ng bagong national mark.
Kumolekta ang national pole vaulter ng 1361 points sa pinakahuling rankings na inilabas ng World Athletics, ang international federation ng sport.
Nasa unahan ni Obiena sina World No. 1 at Tokyo Olympics gold medalist Armand Duplantis (1538) ng Sweden at Christopher Nilsen ng Amerika (1423).
- Latest