Wanted: Bagong coach ni Hidilyn
MANILA, Philippines — Isang bagong Chinese coach ang hihilingin ng Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) sa Philippine Sports Commission (PSC) na posibleng sasalo sa maiiwang trabaho ni Chinese mentor Gao Kaiwen.
Sinabi ni SWP president Monico Puentevella na hindi na niya inaasahang babalik si Gao matapos igiya si Hidilyn Diaz sa kauna-unahang Olympic gold medal ng bansa sa nakaraang Tokyo Games.
“Hindi ko alam kung si coach Gao makabalik pa iyan dito dahil sikat na iyan palagay ko,” ani Puentevella. “Sikat na sikat na iyan sa Beijing, kung saan siya nakatira, dahil alam nila na itong Chinese coach ang tumalo sa kanila.”
Ang 64-anyos na si Gao, kasama si strength and conditioning coach Julius Naranjo, ang tumulong kay Diaz para mabuhat ang mga gold medal sa Asian Games noong 2018 at Southeast Asian Games noong 2019.
“Kung ayaw talaga ng China tumulong ulit dahil na-disgrasya sila, okay naman ako sa ating Filipino coaches,” wika ng wrestling head.
Samantala, aapela si Puentevella sa Department of Education (DepEd) para ikunsidera ang weightlifting sa mga school-based events kagaya ng Palarong Pambansa.
Bago pumutok ang coronavirus disease (COVID-19) noong Marso ng 2020 ay nakipag-usap na si Puentevella sa mga DepEd officials para maisama ang weightlifting sa Palaro.
Noong 2016 matapos buhatin ni Diaz ang silver medal sa Rio de Janeiro Olympics ay nakipag-usap din si Puentevella sa UAAP at NCAA para mapabilang ang weightlifting sa kanilang calendar of events.
- Latest