Perlas umukit ng unang panalo sa PVL
Cignal HD pinaluhod
MANILA, Philippines — Nasikwat ng Perlas Spikers ang unang panalo nito matapos igupo ang Cignal HD sa iskor na 20-25, 25-20, 25-22, 25-21 sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference kahapon sa PCV Socio-Civic Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.
Balanseng atake ang inilatag ng Perlas Spikers kung saan umiskor ng magkakatulad na 13 puntos sina Nicole Tiamzon, Cherry Rose Nunag at Heather Guino-o.
“As much as possible, we have this kind of opportunity, we really wanted to play and we really want to give it our best,” ani Tiamzon.
Nagparamdam din si Sue Roces na gumawa ng 11 hits habang may 24 excellent sets at siyam na puntos si playmaker Angel Cayuna para sa Perlas Spikers.
Nakabangon ang Perlas Spikers sa dalawang dikit na kabiguan para mapaganda ang kanilang rekord sa 1-2 marka
“Sobrang laki kasi yung opportunity, nabigyan namin ng hustisya. Tapos ang isa pa naming kailangan kasi yung kumpiyansa, so yung panalo malaking kumpiyansa ang mabibigay individually,” ani Perlas Spikers head coach Rei Diaz.
Patuloy na inaalat ang HD Spikers na bumagsak sa 1-5 marka.
Malakas ang blocking ng Cignal na nakakuha ng 9-3 bentahe subalit nakaungos ang Perlas sa attack line, 56-42.
Nasayang ang pinagsama-samang 33 hits nina Janine Marciano, Roselyn Doria at Norielle Ipac para sa HD Spikers habang hindi pa rin maramdaman si team captain Rachel Anne Daquis na nalimitahan sa anim na puntos.
Samantala, puntirya ng reigning champion Creamline na masikwat ang awtomatikong tiket sa semifinals sa pagharap nito sa Chery Tiggo sa alas-7 ngayong gabi.
Maghaharap naman sa ala-una ang BaliPure at Choco Mucho habang masisilayan ang bakbakan ng Perlas Spikers at PetroGazz sa alas-4 ng hapon.
- Latest