Perlas Spikers sasampolan ang Choco Mucho
MANILA, Philippines — Inaabangan na ang debut ng Perlas Spikers ngayong araw sa pagpapatuloy ng Premier Volleyball League (PVL) Open Conference sa PCV Socio-Civic Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.
Gigil nang humataw ang Perlas Spikers kontra sa Choco Mucho sa alas-4 ng hapon habang patatatagin ng reigning champion Creamline ang kapit sa solong pamumuno laban sa PLDT Home Fibr sa ala-una ng hapon.
Nakatakda rin ang duwelo ng Cignal at BaliPure sa alas-7 ng gabi.
Nakasentro ang atensiyon ng lahat sa Perlas Spikers na galing sa ilang araw na quarantine matapos magpositibo ang isang miyembro ng staff nito.
Excited nang pumalo sina Nicole Tiamzon, Jhoana Maraguinot, Cherry Nunag, Michelle Morente at Sue Roces.
Ngunit makakaharap ng Perlas Spikers ang Flying Titans na galing sa dalawang sunod na panalo.
Mamanduhan ni opposite hitter Kat Tolentino ang opensa ng Choco Mucho kasama sina middle blockers Bea De Leon at Maddie Madayag at outside hitter Ponggay Gaston.
Tangan naman ng Creamline ang solong pamumuno bitbit ang malinis na 3-0 rekord.
Sariwa pa ang Cool Smashers sa pahirapang 20-25, 25-15, 27-25, 25-19, 15-13 panalo sa Lady Troopers para maikonekta ang kanilang ikatlong sunod na panalo.
Naasahan ng husto ng Cool Smashers si Tots Carlos na humataw ng 26 puntos kabilang ang mga importanteng puntos sa krusyal na sandali ng laro.
Maliban kay Carlos, babanat din ang mga usual suspects gaya nina Alyssa Valdez, Michele Gumabao, Risa Sato at Jeanette Panaga.
Muling haharap sa pagsubok ang Creamline dahil uhaw sa tagumpay ang PLDT Home Fibr na wala pang panalo sa tatlong pagsalang.
Kakasa para sa PLDT sina Isa Molde at Jorelle Singh — ang dalawang top scorers ng tropa.
Ngunit kailangan ng dalawa ng matibay na suporta mula kina Maristela Layug, Toni Basas at Eli Soyud.
- Latest