28th ginto nasikwat ni De Los Santos
MANILA, Philippines — Hindi maawat si Orencio James De Los Santos nang muli itong umariba sa Second Algerian Karate E-Tournament.
Nasikwat ng Cebu pride ang kampeonato matapos magtala ng pukpukang 25.34-25.0 panalo laban kay Tahoulit Abdelali ng Algeria sa championship round ng men’s seniors +18 division.
Ito ang ika-28 gintong medalya ni De Los Santos sa taong ito.
Hindi naging madali ang pinagdaanan ni De Los Santos dahil dumaan muna ito sa butas ng karayom bago makapasok sa finals.
Nangibabaw si De Los Santos sa Pool 4 nang magtala ito ng 25.14 puntos laban sa pito pang kalahok sa kanyang grupo para umabante sa quarterfinals.
Naipagpatuloy ni De Los Santos ang matikas na ratsada nito nang muli nitong dominahin ang eight-man quarterfinal round bunsod ng nakuha nitong 24.66 puntos.
Sa semifinals, nagtala si De Los Santos ng 24.74 puntos para maisaayos ang pakikipagtuos kay Abdelali sa championship round.
Inaasahang madaragdagan pa ang koleksiyon ni De Los Santos sa pagsabak nito sa 10 susunod na online tournaments na nakalinya kabilang na ang fifth leg ng Sportsdata E-Tournament World Series.
- Latest