Dasmarinas KO kay Inoue
MANILA, Philippines — Hindi pinalad si Michael Dasmarinas nang magtamo ito ng third-round technical knockout loss kay IBF at WBA bantamweight champion Naoya Inoue kahapon sa Virgin Hotels sa Las Vegas, Nevada.
Mas naging agresibo si Inoue sa third round nang magpakawala ito ng ilang malalakas na body shots kung saan isang solidong left shot ang pinakawalan nito na tunay na ininda ni Dasmarinas.
Sinubukan pang bumalik ni Dasmarinas para maipagpatuloy ang laban matapos makalusot sa standing-eight-count ng referee.
Subalit hindi na pinakawalan pa ni Inoue ang pagkakataon nang muli itong umatake ng uppercut na nagpabagsak sa Pinoy bet sa loob ng 2:45 sa third round para tuluyan nang matagumpay na maipagtanggol ang kanyang dalawang world titles.
Napanatili ni Inoue ang malinis na 21-0 rekord kabilang ang 18 knockouts habang bumagsak si Dasmarinas sa 30-3-1 baraha.
Inaasahang makakasagupa ni Inoue ang magwawagi sa pagitan nina WBC king Nonito Donaire Jr. at WBO champion John Riel Casimero sa Agosto 14.
Personal na nanood sina Donaire at Casimero sa bakbakang Inoue-Dasmarinas sa Las Vegas, Nevada.
“Basically, becoming the undisputed champion means I’m the best in that weight class. To prove that, that’s why I’m going after all four belts,” ani Inoue.
- Latest