Handa na ba sa bubble training?
Isang taon at kalahating walang mga laro at ensayo. Bunga ng COVID-19, huminto ang buhay isports, ang pagiging propesyunal na manlalaro ng volleyball ay natigil. Gaya ng maraming mga atleta nagawa ko rin ang matinding paghihintay. Kung gaano kahaba ang pasensya na ipinamamalas namin sa bawat ensayo ay ganoon din ang ipinairal ko ngayong panahon ng pandemya.
Biruin mo, ang dalawa hanggang tatlong beses na ensayo sa isang araw noon bago magpandemya ay nauwi sa isang beses kada isang araw. Ang matindi pa nito ay ‘train at home’ lahat. Walang makalaro ng volleyball dahil nasa bahay lang. Masuwerte na lang kung may kasama ka sa bahay na marunong mag volleyball at kung may malawak kayong bakuran na maaaring pagtayuan ng volleyball net. Ang volleyball ay team sport kung saan higit na ma-eensayo ang laro kung mayroon kang makakalaro ng bola. Ngunit sa sitwasyon namin ngayong pandemya, napakahirap.
Gayunpaman, dumating na ang panahon kung saan maaari na muling makabalik sa ensayo. Sasabak na ang aming koponan sa bubble training sa Batangas.
Napakatagal namin itong hinintay. Napakaraming prosesong pinagdaanan. Ang dating drawing lang, ngayon ay makukulayan at maisasabuhay na.
Balik ensayo na!
Ngunit may malaking tanong ako sa sarili. Handa na ba ako sa bubble training? Sa haba kasi ng paghihintay ang routine ko araw-araw simula ng mag pandemya ay malayo na sa dati kong buhay noong kasagsagang normal pa ang lahat. Ngayon kasi pagkatapos ng virtual training ko sa umaga, wala na akong ginagawa masyado sa hapon bukod sa humilata, ubusin ang mga teleserye at pelikula sa Netflix at maglaro ng Mobile Legends hanggang gabi.
Bilang mga propesyunal na manlalaro, trabaho namin ang panatilihing kondisyon ang katawan - kasama rin dito ang pagpapakundisyon ng isip. Ngayon, it’s a matter of good mind setting and attitude lang iyan. Ito na ang pinakahihintay ko sa lahat, ang muling makapag-ensayo. Siyempre handa na ako. Bring it on!
- Latest