Olympics, SEAG-bound athletes babakunahan ngayon
MANILA, Philippines — Nakatakdang isagawa ngayong alas-10 ng umaga ang pagbabakuna sa mga miyembro ng Team Philippines na magpapartisipa sa 2021 Olympic Games at sa Southeast Asian Games.
Pamumunuan ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino ang bakunahan sa Manila Prince Hotel sa San Marcelino St. sa Maynila.
Ito ay sasaksihan nina Chief Implementer of the National Task Force against COVID-19 Secretary Carlito Galvez, Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III at COVID-19 testing czar Secretary Vince Dizon.
Tuturukan ng COVID-19 vaccines ang mga national athletes, coaches, officials at delegation members na lalahok sa 2021 Olympics sa Tokyo, Japan at sa SEA Games sa Hanoi, Vietnam.
Hindi naman dapat mag-alala ang iba pang miyembro ng Team Philippines na nasa iba’t ibang probinsya.
Makikipagtulungan si Tolentino, pangulo rin ng cycling federation, sa IATF at DOH para mabakunahan ang mga athletes at coaches kung saan man sila naroroon.
Nakatakda ang 2021 Tokyo Olympics sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8 habang idaraos ang Vietnam SEA Games sa Nobyembre 21 hanggang Disyembre 2.
- Latest