Laure sisters mananatili sa UST
MANILA, Philippines — Hindi muna sasalang sa professional league sina EJ Laure at Eya Laure.
Ito ang inihayag ni Eddie Laure dahil nais muna ng dalawa na tapusin ang playing years nito sa University of Santo Tomas (UST) para lumaro sa mga susunod na edisyon ng UAAP women’s volleyball tournament.
“Stay sila sa UST muna,” ani Eddie na ama ng dalawang mahusay na collegiate volleyball stars.
Dahil dito, malaki ang posibilidad na hindi makalaro sina EJ at Eya sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference na idaraos sa isang bubble setup.
May isang playing-year pa si EJ sa España-based squad habang mahaba-haba pa ang tatahakin ni Eya na may tatlong taon pang gugugulin sa Tigresses.
Nasa lineup ng Chery Tiggo sina EJ at Eya.
Ngunit ngayong professional league na ang PVL, hindi muna maaari pang makapaglaro sina EJ at Eya sa PVL.
Sa oras na maglaro ang isang student-athlete sa isang professional league, awtomatiko mawawalan ng saysay ang playing eligibility nito sa UAAP.
Maliban na lamang kung school-based ang isang koponang lalaruan ng student-athlete na maaaring bigyan ng special guest permit ng Games and Amusements Board (GAB).
- Latest