Ginto ni Delos Santos lumobo na sa 21
MANILA, Philippines — Patuloy ang pamamayagpag ni Orencio James Delos Santos matapos makasikwat na naman ng dalawang sunod na gintong medalya sa online tournaments.
Hindi madali ang pinagdaanan ng world No. 1 na si Delos Santos sa pagkakataong ito.
Unang umariba si Delos Santos sa eKarate World Series third leg kung saan nailusot nito ang dikit na 24.7-24.6 desisyon laban kay world No. 2 Domont Matias Moreno ng Switzerland sa finals.
Ito ang ika-20 gintong medalya ni Delos Santos.
Hindi pa nagpaawat si Delos Santos nang masiguro nito ang ika-21 gintong medalya sa Okinawa eTournament World Series second leg.
Isa na namang dikitang 25.32-25.28 panalo ang naitakas ni Delos Santos laban kay Abdellatif Choukri ng Morocco sa finals para masikwat ang ginto.
“I admit these two tournaments were close matches. But this makes me want to train and prepare even harder for the next tourneys to come. On to the next one,” ani Delos Santos.
Hahataw pa ang Pinoy karateka sa ilang torneong nakalinya sa taong ito kabilang na ang Sportsdata eTournament World Series na isa sa may pinamakalaking puntos na ibinibigay sa Top 3 finishers.
- Latest