De Los Santos may 18 golds na
MANILA, Philippines — Tuloy ang ariba ni world No. 1 Orencio James De Los Santos matapos kumana ng dalawang sunod na gintong medalya sa online tournaments.
Namayagpag si De Los Santos sa men’s individual seniors kata ng pataubin nito sa dalawang torneo si Domont Matias Moreno ng Switzerland.
Unang iginupo ni De Los Santos si Moreno sa finals ng Euro Grand Prix eTournament kung saan naitarak ng Pinoy champion ang 25.46-24.32 panalo.
Agad itong sinundan ni De Los Santos ng 27.18-26.32 pananaig sa gold-medal match ng Katana Intercontinental League.
Sa kabuuan, may 18 gintong medalya na si De Los Santos sa taong ito at may 54 ginto sa kabuuan sapul nang sumalang ito sa online tournaments noong nakaraang taon.
Humirit naman sina Christina Colonia at John Adonis Colonia ng kani-kanilang medalya sa Euro Grand Prix.
Nakasikwat si Christina ng pilak sa female individual under-18 event habang nakatanso si John Adonis sa male individual under-16 category.
Inaasahang madaragdagan pa ang kaban ng ginto ni De Los Santos sa pagsabak nito sa mga susunod na international online tournaments kabilang na ang Okinawa e-Tournament World Series.
- Latest