Booker iniligtas ang Suns
MILWAUKEE , Philippines — Alam ni star guard Devin Booker na makakakuha siya ng foul sa huling segundo ng overtime period.
Isinalpak ni Booker ang isa sa dalawang free throws mula sa foul ni P.J. Tucker sa natitirang 0.3 segundo para sa 128-127 pag-eskapo ng Phoenix Suns laban sa Bucks.
Tumapos si Booker na may 24 points para pangunahan ang Phoenix (41-16) na nakahugot kay Chris Paul ng 22 points, 13 assists at 7 rebounds.
Binanderahan ni Gian-nis Antetokounmpo ang Milwaukee (35-22) sa kanyang 33 points at may 26 at 25 markers sina Khris Middleton at Jrue Holiday, ayon sa pagkakasunod.
Nauna nang itinabla ni Middleton ang Bucks sa 127-127 sa huling 22.1 segundo ng extra period kasunod ang nasabing split ni Booker para ipanalo ang Suns.
Sa Los Angeles, kumamada si Fil-American guard Jordan Clarkson ng 22 points at may 21 markers si Joe Ingles tampok ang limang triples para sa 111-97 panalo ng Utah Jazz (43-15) sa nagdedepensang Lakers (35-23).
Sa Denver, nagposte si Nikola Jokic ng 47 points, kasama ang go-ahead triple sa dulo ng second overtime, para sa 139-137 pagtakas ng Nuggets (37-20) sa Memphis Grizzlies (29-27).
Sa Miami, umiskor si Kendrick Nunn ng season-high 30 points at may tig-19 markers sina Duncan Robinson at Goran Dragic para sa 113-91 paggupo ng Heat (30-28) sa Houston Rockets (15-43).
- Latest