F2 Logistics tawid-bakod na RIN!
PVL cast kumpleto na
MANILA, Philippines — Asahan ang mas matinding hatawan sa Premier Volleyball League (PVL) sa pagpasok ng five-time Philippine Superliga (PSL) champion F2 Logistics.
Inihayag kahapon ng Cargo Movers ang opisyal na pag-entra nito sa PVL na siyang kauna-unahang professional volleyball league sa bansa.
Nagpasalamat ang Cargo Movers sa imbitasyon ng PVL at sa mainit na pagtanggap nito sa kanila bilang bagong miyembro ng pamilya.
Dahil dito, excited na ang F2 Logistics na makipagsabayan sa matitikas na koponan sa liga partikular na sa reigning Open Conference champion Creamline at PetroGazz gayundin sa bagong lipat na Cignal, PLDT at Sta. Lucia.
“To PVL, thank you for inviting us. May this new partnership be fruitful not just for the league but moreover, to Philippine volleyball. We look forward to battling against old and new opponents who will never be enemies,” ayon sa statement ng Cargo Movers.
Nagpasalamat din ang F2 Logistics sa PSL na naging tahanan nito sa loob ng limang taon.
“It is with grateful hearts that we thank Philippine Superliga (PSL) for being our home for the past 5 years. Defeats and victories molded our team’s character. We will not be the champions today without you,” ayon sa F2 Logistics.
Isa ang Cargo Movers sa pinakasolidong koponan sa PSL na nakasikwat ng limang korona — ang 2016 All-Filipino, 2017 Grand Prix, 2018 Invitational, 2019 All-Filipino at 2019 Invitational conferences.
Hahataw para sa Cargo Movers sina Aby Maraño, Majoy Baron, Kim Kianna Dy, Kim Fajardo, Ara Galang, Michelle Morente, Des Cheng at Dawn Macandili.
Wala pang linaw kung mananatili sa koponan si Fiipino-American outside hitter Kalei Mau.
Ang F2 Logistics ang ika-12 koponan sa PVL na target simulan sa Mayo.
- Latest