Eumir Felix Marcial balik-ensayo na
MANILA, Philippines — Balik-ensayo na si three-time Southeast Asian Games champion at Tokyo Olympics qualifier Eumir Felix Marcial sa Fortune Gym sa California.
Ilang linggo ring nagpahinga si Marcial matapos ang kanyang professional boxing debut noong Disyembre sa Los Angeles, California.
Nakuha ni Marcial ang kanyang unang panalo bilang pro boxer nang itarak nito ang unanimous decision win laban kay American fighter Andrew Whitfield sa kanilang four-round bout.
Alas-6 ng umaga nang tumulak si Marcial patungong Fortune Gym kasama si MP Promotions chief Sean Gibbons.
Sa kanyang video, ipinakita ni Marcial ang training nito kasama si strength and conditioning expert Justine Fortune.
Nakasabay pa ni Marcial ang ilang boksingero gaya ni Mark Magsayo na nasa ilalim din ng pangangalaga ni Fortune.
“Kasama na namin si Mark. Marami kami rito kay coach Justine lahat ng mga boksingero sa Wild Card dito nagte-training pag Tuesday, Thursday and Saturday. Conditioning kami,” ani Marcial.
Matapos ang ilang minuto sa running, sumalang sa ilang workout si Marcial upang pagpagin ang ilang kalawang na dulot ng mahabang bakasyon.
Nakatutok mismo si Fortune sa pagbibigay ng instructions kay Marcial.
Sumalang sa apat na sets na workout si Marcial.
- Latest