Javi GDL pass muna sa rookie draft
MANILA, Philippines — Pass muna si Gilas Pilipinas pool member Javi Gomez de Liaño sa PBA Annual Rookie Draft dahil desidido itong bumalik sa University of the Philippines (UP) para gamitin ang kanyang final playing year sa UAAP Season 84.
Alam ni Gomez de Liaño na malaking oportunidad para sa lahat ng amateur players ang makalaro sa PBA na itinuturing na isa sa pinakamalaking professional league sa Asya.
Ngunit nagpasya ito na lumiban muna sa taong ito upang tulungan ang Fighting Maroons sa kampanya nito sa Season 84 na planong simulan sa Setyembre.
Bagama’t wala pang kasiguraduhan ang pagbubukas ng UAAP, desidido na si Gomez de Liaño na manatili muna sa kampo ng Fighting Maroons.
Hangad nitong matulungan ang UP na makuha ang kampeonato bago ito lumisan sa Katipunan-based squad na naging tahanan nito sa nakalipas na mga taon.
Malaki ang pasasalamat nito sa Fighting Maroons kaya’t nais nitong suklian ang suportang ibinibigay ng unibersidad.
“I want to win a championship for UP, my home and for the entire community,” ani Gomez de Liaño.
Target ni Gomez de Liaño na magpartisipa sa susunod na edisyon ng rookie draft.
Sa ngayon, nakasentro muna ang atensiyon ni Gomez de Liaño sa Gilas Pilipinas kung saan bahagi ito ng pool na kasalukuyang nagsasanay sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
Umaasa si Gomez de Liaño na makuha nito ang isa sa 12 slot sa final list na isasabak sa third window ng FIBA Asia Cup Qualifiers sa susunod na buwan sa Clark, Pampanga.
- Latest