Allowance ng mga atleta itutuloy ng PSC
Sa kabila ng paghihigpit sa mga NSAs
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Philippine Sports Commission (PSC) na tuloy ang pagtanggap ng mga national athletes ng kanilang monthly allowances sakali mang hindi nila bigyan ng pondo ang mga National Sports Associations (NSAs) na may unliquidated cash advances.
Simula sa Enero ay magiging istrikto na si PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez sa pagbibigay ng financial support sa mga NSAs.
“Hindi naman kasalanan ng mga atleta kung may problema ang NSA nila,” ani Ramirez. “Hindi maapektuhan ang tulong at suporta ng PSC sa mga atleta sa susunod na taon. Iyong financial assistance direct to the athletes na.”
Ilang NSAs ang hindi pa nakakapagsumite ng kanilang liquidation sa PSC na matagal nang hinihingi ni Ramirez.
“Hindi muna namin papangalanan ang mga nasabing NSAs to give them more time to settle their obligations,” ani Ramirez. “The PSC Board has already decided not to give financial assistance, especially if they continue to under-perform at may mga unliquidated expenses pa.”
Ang PSC ang sumasagot sa mga kuwestiyon ng Commission on Audit (COA) hinggil sa bawat sentimo na kanilang ibinibigay sa mga NSAs.
“We have to do it because we have an obligation to the people. We are not a private organization na ang pananagutan lang ay sa Board of Trustees lamang. Mananagot kami sa bayan,” sabi ng PSC chief.
Samantala, inutusan ng COA ang PSC na igiit sa Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Southeast Asian Games Organizational Committee Foundation Inc. (PHISGOC) na isumite ang kanilang financial reports.
Ayon sa COA, tumanggap ang POC at PHISGOC ng higit sa P2 bilyon mula sa PSC para sa pamamahala sa 30th SEA Games noong Disyembre ng 2019.
Sinabi ng POC at PHISGOC na ibibigay nila ang final fund utilization report sa oras na makuha nila ang natitirang financial support mula sa PSC.
- Latest