Sudan Daniel namaalam na!
Collegiate sports nagdadalamhati
MANILA, Philippines — Nagdadalamhati ang collegiate sports matapos pumanaw si dating NCAA Most Valuable Player (MVP) Sudan Daniel ng San Beda University.
Ilang araw matapos magdiwang ng kanyang ika-31 kaarawan at ng Kapaskuhan, namatay si Daniel dahil sa asthma attack sa Batangas.
Kasama pa ni Daniel ang katropa sa San Beda na sina Semerad twins Anthony at David noong Pasko.
Malapit na kaibigan ng Semerad brother si Daniel na naging kapamilya na nito sa San Beda.
Naka-post pa sa Instagram ni David ang larawan noong Pasko kasama sina Daniel, Anthony, Gwen Zamora (partner ni David) at Sam Pinto (partner ni Anthony).
“Our beloved Sudan Daniel has sadly passed on December 26. Sudan was a wondeful brother, father, son and friend who touched the lives of those around him,” ani David sa kanyang post.
Naging bahagi si Daniel ng Red Lions na na-sweep ang buong season noong NCAA Season 86.
Ito rin ang parehong season kung saan nasungkit ni Daniel ang Season MVP at Defensive Player of the Year awards.
Nagpaabot na ng kani-kanyang pakikiramay ang iba pang San Beda players kabilang na sina Gavo Lanete at Borgie Hermida gayundin sina San Beda team manager Jude Roque at dating San Beda head coach Frankie Lim.
- Latest