Donaire positibo sa COVID-19
MANILA, Philippines — Hindi na matutuloy ang laban nina Filipino-American Nonito “The Filipino Flash” Donaire at Emmanuel Rodriguez ng Puerto Rico sa Disyembre 19 sa Mohegan Sun Arena sa Uncasville, Connecticut.
Ayon sa naglabasang ulat, nagpositibo si Donaire sa coronavirus disease (COVID-19) sa isinagawang swab testing dahilan upang magpasya ang kampo nito na mag-withdraw na lamang sa laban.
Nauna nang inihayag ng Team Donaire na matinding health protocols ang ipinatutupad nito sa training camp para masiguro na ligtas ang lahat sa coronavirus.
Sa katunayan, sumailalim sa swab test ang lahat ng sparring partners nito gayundin ang lahat ng miyembro ng coaching staff ni Donaire.
Subalit hindi pa rin naiwasan ng four-division world champion na tamaan ng COVID-19.
Ito ang ikalawang beses na naudlot ang laban ni Donaire.
Una sana nitong makakaharap si reigning World Boxing Council (WBC) bantamweight champion Nordine Oubaali ng France sa Disyembre 12.
Ngunit nakansela ito matapos magpositibo si Oubaali sa coronavirus.
Kinuha si Rodriguez bilang kapalit na kalaban ni Donaire habang nagdesisyon ang WBC na gawing “champion in-recess” si Oubaali.
Base naman sa ulat ng Boxing Scene, maaaring matuloy pa rin ang laban ni Rodriguez kontra sa bagong kalaban na posibleng isang Pinoy boxer din.
Maugong ang pangalan ni Reymar Gaballo subalit wala pa itong linaw dahil nasa undercard ito ng sana’y Donaire-Rodriguez fight sa naturang petsa.
Sasagupain ni Gaballo si Jose Velasquez ng Chile para sa interim World Boxing Association (WBA) bantamweight title.
- Latest