Knott tuloy ang training
Sa target na Olympic berth
MANILA, Philippines — Noong Agosto pa huling sumabak sa aksyon si Fil-American sprinter Kristina Knott kung saan niya binasag ang 33-year old Philippine national record ni Lydia De Vega sa women’s 100-meter dash.
Sa ‘Virtual Kumustahan’ ng Philippine Sports Commission (PSC) ay sinabi ni Knott na patuloy ang kanyang training sa Florida, USA bagama’t wala pang naitatakdang athletics competition.
“As of the moment, there are no sprinting competitions here in Florida, but I’m able to do simple trainings now to get my body going,” sabi ng 24-anyos na 2019 Southeast Asian Games double-gold medalist.
Nagposte si Knott ng bilis na 11.27 segundo sa 2020 Drake Blue Oval Showcase sa Iowa noong Agosto para sirain ang dating 11.28 segundo ni De Vega at itayo ang bagong national record sa women’s 100m dash.
Isa si Knott sa mga atleta ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) na nananatili sa US bukod kina sprinter Eric Shaun Cray, pole vaulter Natalie Uy at thrower William Morrison III.
Umaasa sina Knott, Cray, Uy at Morrison na makakakuha ng tiket para sa 2021 Olympic Games na gagawin sa Tokyo, Japan.
Itinakbo ni Knott ang mga gintong medalya sa women’s 200m run at sa 4x100m mixed relay event ng 2019 SEA Games noong Disyembre.
Plano ni PATAFA president Philip Ella Juico na ipasok sa training ‘bubble’ ang mga national athletes sa New Clark City sa Capas, Tarlac sa Enero.
- Latest