E-painters sumalo sa itaas
MANILA, Philippines — Muling nakahugot ng malaking produksyon ang Rain or Shine mula kay guard Rey Nambatac para kunin ang ikatlong sunod na panalo at sumosyo sa liderato.
Kumonekta si Nambatac ng dalawang mahalagang free throws sa huling 1.3 segundo para akayin ang Elasto Painters sa 70-68 paglusot sa NorthPort Batang Pier sa 2020 PBA Philippine Cup kahapon sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles City, Pampanga.
Sumosyo ang Rain or Shine sa TNT Katropa sa liderato sa magkapareho nilang 3-0 card habang nahulog ang NorthPort sa 0-3.
“It was a total team effort for us. Defensively, we’re okay but I think our offense we have to fix,” ani head coach Caloy Garcia, nakahugot kay Nambatac ng 10 points habang may team-high 15 markers si rookie Adrian Wong.
Mula sa 5-0 panimula ng Elasto Painters ay nagising ang Batang Pier at itinayo ang 13-point lead, 27-14, mula kina Sean Anthony at Garvo Lanete sa pagbubukas ng second quarter.
Nakabalik naman ang Rain or Shine matapos maiwan sa halftime, 32-38, sa inihulog na 10-0 bomba sa pagbandera nina Beau Belga at Sidney Onwubere para agawin ang 42-38 bentahe laban sa NorthPort sa third period.
Napalaki pa ito ng Elasto Painters sa 63-52 sa 5:15 minuto ng final canto mula sa 3-point play ni Nambatac at triple ni Wong na hindi na nila binitiwan pa.
- Latest