Tabal nagkaroon ng anxiety dahil sa Covid-19 pandemic
MANILA, Philippines — Inamin ni marathon queen Mary Joy Tabal na nakaranas siya ng ‘anxiety’ dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Bunga ng ipinatutupad na istriktong health at safety protocols sa Cebu City ay sa kanyang sari-ling tahanan nagpapa-kondisyon si Tabal bilang paghahanda sa qualifying event para sa 2021 Olympic Games na gagawin sa Tokyo, Japan.
“Iyong bawal na lumabas, parang ang hirap. Nagka-anxiety ako kasi ang sports natin ay outdoor, kaya nagtiyaga na lang ako sa bahay na magpakondisyon ng katawan,” wika ng Cebuana runner kahapon sa TOPS Usapang Sports On Air.
Bagama’t nabigyan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID) ng espesyal na quarantine pass ay sinusunod pa rin ni Tabal ang mga guidelines sa kanyang pag-eensayo sa labas ng kanyang bahay.
Dahil sa COVID-19 pandemic ay hindi natuloy ang pagsali ni Tabal sa Seoul Marathon 2020 noong Pebrero at pati sa Standard Chartered Marathon at Scotiabank Ottawa Marathon noong Mayo na mga Olympic qualifying.
Hangad ng 31-anyos na six-time National Milo Marathon queen ang kanyang ikalawang Olympics stint makaraang tumapos bilang No. 124 noong 2016 Games sa Rio de Janeiro, Brazil
- Latest