Arnis ipipilit sa Vietnam SEA Games
MANILA, Philippines — Aminado si Philippine Eskrima Kali Arnis Federation (PEKAF) president Sen. Migz Zubiri na daraan sa butas ng karayom bago maipasok ang arnis sa 2021 Southeast Asian Games na gaganapin sa Hanoi, Vietnam.
Subalit hindi nawawalan ng pag-asa si Zubiri.
At handa ito na gawin ang lahat upang maibalik sa kalendaryo ang arnis na isa sa pangunahing pinagkunan ng gintong medalya ng Pilipinas noong 2019 edisyon ng biennial meet sa Maynila.
“Madugo ito dahil kailangan talagang man-to-man ang lobbying para mapasama ‘yung arnis sa Vietnam SEA Games but I’m hopeful,” ani Zubiri.
Sumulat na si Zubiri sa Vietnam para idagdag ang arnis sa kalendaryo.
Naniniwala si Zubiri na malaki ang potensiyal ng Vietnam sa arnis.
“I wrote the head of sports in Vietnam, appealing the inclusion of arnis and without further explanation reminding them that they are powerhouse and could also be an overall champion in arnis,” ani Zubiri.
Ikinuwento ni Zubiri na posibleng dahilan ng pagkakasibak ng arnis ang hindi pagpayag ng Pilipinas na mapasama ang vovinam sa 2019 SEA Games.
Ang vovinam ay isang Vietnamese martial arts.
Nais lamang ng Pilipinas na gawin itong demo sports ngunit hindi pumayag ang Vietnam na gusto itong gawing regular sports noong Manila SEA Games.
“Nag-umpisa ‘yan kasi hindi natin naisama ‘yung vovinam ‘yung kanilang martial arts nung last SEA Games. (Siguro) nagtampo sila. Gusto ng Phisgoc na demo sports sila pero hindi pumayag ang Vietnam,” ani Zubiri.
Sa 20 gold medals na nakataya noong 2019 SEA Games, 14 ang gintong medalyang nasungkit ng Pinoy squad para tulungan ang Pilipinas na maibulsa ang overall championship crown.
Sa ngayon, may 36 sports lamang ang aprubado ng Vietnam SEA Games organizing committee.
- Latest