Bernaldez sasalang ngayon sa Las Vegas
MANILA, Philippines — Ibubuhos na ni super-featherweight Mark Bernaldez ang lahat ng itinatago nitong lakas upang makuha ang upset win kay undefeated American fighter Albert Bell ngayong araw sa Las Vegas, Nevada.
Pasok sa timbang si Bernaldez na may bigat na 132 pounds habang nagtala naman si Bell ng 133 pounds para sa kanilang closed-door bout sa MGM Grand Conference Center.
Underdog si Bernaldez sa laban subalit handa ang Pinoy sensation na gawin ang lahat para itarak ang inaasam na panalo.
Alam ni Bernaldez na importante ang labang ito dahil ito ang magbubukas ng magandang oportunidad sakaling masikwat nito ang panalo kontra kay Bell.
Tiwala si Bernaldez na masundan ang impresibong panalo ni Mike Plania noong nakaraang linggo laban kay World Boxing Organization (WBO) ranked No. 1 Joshua Greer.
“I am so inspired by my friend Mike, and I want to win this fight. This is why I am pushing myself to train hard because I want to win,” ani Bernaldez sa panayam ng Ring TV.
Mapapalaban ng husto ang 5-foot-6 na si Bernaldez dahil mas matangkad si Bell na may taas na saradong six-foot.
“It’ll be very tough because Bell is a good fighter and very tall for junior lightweight. But I know Mark has a ton of heart,” ani Jim Claude Manangquil - ang humahawak kay Bernaldez.
Magiging armas ni Bernaldez ang matinding determinasyon at pusong Pinoy na palaban.
- Latest