James Younghusband nagretiro na rin
MANILA, Philippines — Pormal nang isinara ni Filipino-British football star James Younghusband ang makulay na karera nito sa football.
Inihayag kahapon ng 33-anyos na miyembro ng Philippine Azkals ang pagreretiro matapos ang 15 taong paglalaro sa national team at local football clubs.
Sa kanyang Instagram post, inilabas ni Younghusband ang mensahe nito para sa mga football fans, sa kanyang mga teammates, coaches, managers at officials.
Nagpasalamat si Younghusband sa mainit na suporta sa kanya sa loob man o labas ng football field.
“Time to say goodbye. Thank you for the amazing memories. I have loved playing this game,” ani Younghusband.
Bahagi si Younghusband ng makasaysayan na kampanya ng Azkals sa 2010 AFF Suzuki Cup may isang dekada na ang nakalilipas.
Ang 2010 edisyon ng Suzuki Cup ang bumuhay sa football sa bansa matapos makapasok sa semifinals ang Azkals.
“Thank you to my family, bosses, managers, coaches, teammates, opponents and all my supporters who have been part of my professional career,” ani Younghusband.
Sa kanyang international stints, naging bahagi ng national team si Younghusband ng 101 beses at nakapuntos para sa Pilipinas ng 13 goals.
May 54 goals naman ito sa kanyang paglalaro sa iba’t ibang clubs kabilang na ang Ceres kung saan naging bahagi ito ng tatlong kampeonato ng koponan.
“I feel lucky to have experienced wonderful memories and thankful for every moment of my time with my clubs and country,” wika pa ni Younghusband.
Maliban sa Ceres, naglaro si Younghusband para sa Loyola Meralco Sparks, Davao Aguilas at San Beda.
Bumuhos naman ang pasasalamat mula sa mga football fans hindi lamang sa Pilipinas maging sa ibang Southeast Asian countries na popular ang Younghusband brothers (kabilang ang nakababata nitong kapatid na sa Phil).
Nagbigay-pugay din ang ilan nitong teammates sa Azkals at football clubs.
Nauna nang nagretiro si Phil Younghusband noong nakaraang taon para pagtuunan ang kanyang personal na buhay.
- Latest