Pacquiao for president?
Arum may ibinunyag
MANILA, Philippines — Isang pasabog ang binitawan ni Top Rank Promotions chief Bob Arum matapos isiwalat na plano ni eight-division world champion Manny Pacquiao na tumakbo bilang pangulo ng Pilipinas.
Ayon sa ulat ng Talk Sports, inihayag ni Arum ang naturang plano ni Pacquiao habang nakikipag-usap ito kay World Boxing Council (WBC) president Mauricio Sulaiman.
“The first president I think we’ll get as a fighter is little Manny Pacquiao, who told me, once again,” ani Arum.
Inihayag pa ni Arum na sa pamamagitan ng zoom video conferencing, mismong si Pacquiao ang nagsabi na tatakbo ito sa 2022 kung saan idinagdag pa umano ng Pambansang Kamao na iimbitahan nito ang promoter sa kanyang inauguration.
“I did a Zoom telephone call with him, Bob, I’m gonna run in 2022 and, when I win, I want you there at my inauguration,” ani Arum.
Hindi naman nilinaw ni Arum kung sinabi ito ni Pacquiao ng seryoso o sa pabirong paraan.
Nauna nang inihayag ni Pacquiao na wala itong balak tumakbong presidente ng Pilipinas.
Kasalukuyan itong miyembro ng Senate of the Philippines kung saan tumutulong ang Pinoy champion sa pagsugpo ng gobyerno sa coronavirus disease (COVID-19).
Wala pa ring desisyon ang kampo ni Pacquiao sa kung sino ang makakalaban nito sa kanyang World Boxing Association (WBA) welterweight title defense.
Nakahilera na ang mga boksingerong nais labanan ang legendary boxer.
Itinutulak ni Arum na matuloy ang sagupaan nina Pacquiao at World Boxing Organization (WBO) welterweight champion Terence Crawford sa Bahrain.
Maliban kay Crawford, kandidato rin sina International Boxing Federation (IBF) welterweight king Errol Spence Jr., Danny Garcia, Mikey Garcia, Keith Thurman at Amir Khan.
Nauna nang nababanggit ang pangalan nina mixed martial arts champion Conor McGregor at undefeated American fighter Floyd Mayweather Jr.
Ngunit kamakailan lang ay nagdesisyong magretiro si McGregor habang masaya si Mayweather sa kanyang pagiging buhay retirado.
Habang naghihintay, tuloy pa rin ang ensayo ni Pacquiao upang manatiling kundisyon ang kanyang pangangatawan.
- Latest