Jalalon, Desiderio nagbahagi ng biyaya sa mga apektado ng lockdown
MANILA, Philippines — Sa kanilang munting paraan ay naipahatid nina PBA guards Jio Jalalon ng Magnolia at Paul Desiderio ng Blackwater ang pagmamalasakit nila sa mga apektado ng lockdown dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Namigay si Jalalon ng mga packed foods at grocery items sa ilang lugar sa San Juan at Kalookan City.
“Kahit maliit lang itong bagay na ito alam kong maraming matutuwa rito,” wika ni Jalalon, dating kamador ng Arellano University Chiefs, sa kanyang Instagram post.
“Iyong meryenda, rito lang sa San Juan to Aurora, tapos Timog in Quezon City. Iyong mga goods naman, Kalookan to Recto papunta ng España. Umikot kami,” dagdag pa nito.
Kasama naman ang kanyang fiancee na si Agatha Uyero ay namigay si Desiderio ng mga relief goods at groceries sa mga lugar sa Quezon City.
“Siyempre, ito ‘yung way namin para maipakita namin sa kanila na hindi sila nag-iisa,” wika ni Desiderio, produkto ng University of the Philippines Fighting Maroons.
- Latest