Pinay boxers sibak na sa kontensyon
MANILA, Philippines — Dalawang Pinay boxers pa ang tuluyang namaalam sa kontensiyon dahilan upang maiwan ang pasanin kay Tokyo Olympics qualifier Eumir Felix Marcial sa 2020 Asian-Oceanian Continental Olympic Qualifying Tournament sa Prince Hamzah Hall sa Amman, Jordan.
Bigo sina Irish Magno (women’s flyweight) at Riza Pasuit (women’s lightweight) matapos yumuko laban sa kani-kanilang world-class rivals sa quarterfinals.
Lumasap si Magno ng unanimous decision loss (0-5) kay five-time World Champion Meri Kom ng India habang nagtamo rin ng 0-5 unanimous decision loss si Pasuit laban naman kay No. 3 seed Wu Yi-Shih ng Chinese-Taipei.
Hindi rin pinalad sina 2019 AIBA Women’s World Championships gold medallist Nesthy Petecio (women’s featherweight) at SEA Games champion Carlo Paalam (men’s flyweight) sa kani-kanilang quarterfinal matches.
Sa kabila ng kabiguan, may tsansa pa sina Magno at Paalam na makahirit ng puwesto sa Tokyo Games sa pamamagitan ng boxoff dahil anim na boksingero ang kukunin sa kanilang kategorya.
Ayon kay Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) executive director Ed Picson, maglalaban ang apat na natalo sa quarterfinals para sa huling dalawang tiket sa kanilang dibisyon.
- Latest