Lady Tams masusukat sa Lady Warriors
UAAP volleyball papalo na
MANILA, Philippines — Matapos ang ilang linggong paghihintay, aarangkada na ngayong araw ang bakbakan ng matitikas na collegiate stars tampok ang duwelo ng Far Eastern University (FEU) at University of the East (UE) sa UAAP Season 82 women’s volleyball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nakatakda ang paluan ng Lady Tamaraws at Lady Warriors sa alas-3:30 ng hapon matapos ang engkuwentro ng FEU at UE sa alas-2 sa men’s division.
Una nang nakatakda ang opening ceremony ng volleyball noong Pebrero 15 ngunit kinansela ito dahil sa coronavirus disease outbreak.
Nabangasan ng husto ang lineup ng Lady Tamaraws sa pagkawala ng apat na key players sa ngalan nina Jerrili Malabanan, Kyle Negrito, Celine Domingo at Heather Guinoo.
Kaya naman aasahan ng FEU si opposite hitter Lycha Ebon na gigil na makabawi sa taong ito matapos magtamo ng ACL injury sa kanyang rookie year.
Makakatuwang ni Ebon sina wing spiker Van Agudo, middle blocker Czarina Carandang at libero Ria Duremdes.
Sa kabilang banda, malaki rin ang butas ng Lady Warriors dahil wala na sa tropa ang maaasahang sina opening hitter Judith Abil, Season 81 Best Libero Kath Arado at Season 1 Best Setter Lai Bendong.
Ngunit nariyan pa rin sina Mean Mendrez at Seth Rodriguez na tunay na maaasahan ng Lady Warriors sa opensa.
Si Jasckin Babol naman ang pupuno sa maiiwang puwesto ni Arado.
Umaasa ang UE na malalampasan nito ang seventh place finish sa Season 81 kung saan nagtala ito ng 3-11 baraha.
- Latest