Petron nagparamdam agad
MANILA, Philippines —Nangailangan lamang ng tatlong sets ang back-to-back champion Petron Blaze Spikers para pataubin ang Generika-Ayala Lifesavers, 25-22, 25-22, 25-21, para sa magandang umpisa sa pagbubukas kahapon ng 2020 Philippine Superliga Grand Prix sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Nagpakitang gilas agad ang nagbabalik na import na si Katherine Bell sa kanyang 17 puntos sa panalo ng Blaze Spikers sa loob lamang ng isang oras at 18 minuto.
Tumulong din ng 11 puntos si Remy Palma at anim na puntos naman mula kay Lutgarda Malaluan para sa tropa ni head coach Emil Lontoc, ang pumalit kay Shaq De Los Santos sa Petron bench sa season na ito.
“It was a good win for us, a lot of people were doubting on us during the off season. But we were optimistic about our team and it anchored us to our win,” sabi ni Lontoc.
Sa kabila ng pagkawala nina Mika Reyes, Sisi Rondina, Bernadeth Pons, Denden Lazaro at Rhea Dimaculangan nanatili pa rin ang tiwala ng beteranong coach na si Lontoc sa Blaze Spikers.
Umiskor ng 15 puntos ang Cuban import na si Elizabeth Vicet Campos para sa Lifesavers.
- Latest