Navy Riders lalong tumatag
TARLAC City Philippines — Ayaw magpa-awat ng Standard Insurance-Navy sa kanilang pamamayagpag matapos manalo ni two-time champion Jan Paul Morales sa Stage 6 ng LBC Ronda Pilipinas kahapon na nagtapos sa Recreation Center, dito.
Tatlong sunod na stages ang inangkin ng Navy, una si Ronald Lomotos (Stage 4), pangalawa si John Mark Camingao, (Stage 5) at pangatlo si 2016-17 back-to-back champion Morales.
Nirehistro ng 34-anyos na si Morales ang dalawang oras, 34 minuto at 58 segundo sapat para angkinin ang 111.9km race sa event na inorganisa ng LBC at pakikipagtulungan ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation,
Ilang araw dumiskarte si skipper Morales para sa kanyang mga kakampi, nagtagumpay naman dahil okupado ng Navy ang first hanggang sixth place sa overall individual classification.
Hawak ni Navy rider George Oconer ang IC, taglay ang aggregate clocking na 20:29,11 sa karerang itinataguyod ng Versa, 8A Performance, Print2Go, Spyder, CCN, NLEX-SCTEX, Maynilad, 3Q Sports Event Management Inc., LBC Foundation at PhilCycling.
Ayon kay Morales, kasama niya ang teammate na si Junrey Navarra sa lead group, naiwanan si Oconer.
Subalit, dumiskarte si Morales, upang makahabol sa kanila ang 28-anyos na si Oconer.
“Hindi kami, (Navarra) nagtrabaho sa lead group para maabutan kami nina George (Oconer) at noong nakadikit na sila ay binagalan namin para makapagpahinga siya.” kuwento ni Morales.
Ang ibang Standard Insurance cyclists na nasa IC ay sina 2nd, Ronald Oranza, (2018 Champion), 3rd, Lomotos, 4th, Camingao, 5th, Navarra at 6th, El Joshua Carino.
Pangalawang dumating sa finish line ay si Dominic Perez ng Bicycology Shop-Army, pangatlo si Aidan James Mendoza ng 7Eleven Cliqq-Air21 by Roadbike Philippines, pang-apat si Oranza habang pang-lima si stage 2 winner Ryan Tugawin ng Tarlac Centra Luzon.
Samantala, umalagwa ng todo ang Standard Insurance sa overall team classification, itinala nila ang 81 oras, 56 minuto at 49 segundo matapos ang anim na stages, lamang sila ng 23 minutes at 40 segundo sa pumangalawang Go For Gold, nasa third ang Bicycology Shop-Army habang pang-apat ang 7Eleven Cliqq-Air21 by Roadbike Philippines.
- Latest