SMB-Alab balik sa No. 2
MANILA, Philippines — Bumangon ang San Miguel-Alab Pilipinas matapos pataubin ang Saigon Heat, 82-75, para muling umangat sa ikalawang puwesto sa pagpapatuloy ng 2019-2020 Asean Basketball League (ABL) sa Sta. Rosa Multi-Purpose Sports Complex sa Sta. Rosa, Laguna.
Umabot sa pinakamalaking 23 puntos ang bentahe ng Alab Pilipinas, 60-37, sa two-hand dunk ni Jeremiah Gray mula sa pasa ni Jason Brickman mahigit 6:01 pa ang nalalabi sa ikatlong yugto.
Tumipak ang Amerikanong import na si Nick King ng 26 points, 12 rebounds, 5 assists at 4 steals para bumawi sa kanilang naunang 63-91 pagkatalo sa Kuala Lumpur Dragons noong Pebrero 4 sa teritoryo ng kalaban.
Nagdagdag ng 15 points, 7 rebounds, 1 steal at 1 block ang 7-foot-5 Maltese import na si Sam Deguara at may 13 points, 6 rebounds, 1 assist at 1 steal mula kay Gray para muling ibalik ang Pinoy squad sa ikalawang puwesto sa 9-5 kartada sa likuran ng solo leader Thailand Mono Vampire na tangan ang 10-4 slate.
- Latest