Belo out na rin sa Gilas
Matapos sina Aguilar at Standhardinger
MANILA, Philippines — Nalagasan na naman ang Gilas Pilipinas matapos tanggalin sa pool si Mac Belo na hindi pa lubos na nakakarekober sa kanyang knee injury.
Kasalukuyang nagpapagaling si Belo kung saan mangangailangan siya ng dalawang linggong pahinga para tuluyang makabalik sa aksyon.
Naghahanda na ang Gilas Pilipinas para sa 2021 FIBA Asia Cup qualifiers na magsisimula sa Pebrero 20.
Kaya naman wala nang sapat na panahon si Belo para makasabay pa sa pagsasanay ng Pinoy cagers.
Ito ang ikatlong dagok sa Gilas Pilipinas dahil una nang nawala sa line-up sina Christian Standhardinger at Japeth Aguilar dahil sa magkaibang kadahilanan.
May iniinda ring injury sa tuhod si Standhardinger, habang nagdesisyon si Aguilar na lumiban muna para pagtuunan ng pansin ang personal na buhay.
Unang haharapin ng Gilas Pilipinas ang Thailand sa Pebrero 20 sa Smart Araneta Coliseum kasunod ang Indonesia sa Pebrero 23 sa Britama Arena sa Jakarta.
Aminado si Gilas Pilipinas interim coach Mark Dickel na hindi magiging madali ang daang tatahakin ng Pinoy squad dahil malaki na ang improvement ng Thailand at Indonesia.
“I don’t think it is going to be easy. We have to be ready and play our first game well,” wika ni Dickel.
Ipaparada ng Thailand si naturalized player Tyler Lamb, habang si dating Columbian Dyip import Lester Prosper naman ang naturalized cager ng Indonesia.
Kaya naman kailangang maihanda ng husto ni Dickel ang Gilas Pilipinas bago sumabak sa matinding laban.
Naiwan sa Gilas Pilipinas training pool sina RR Pogoy, Troy Rosario, Bobby Ray Parks, Jr., Kiefer Ravena, Poy Erram, CJ Perez, Matthew Wright, Isaac Go, Matt Nieto, Mike Nieto, Rey Suerte, Allyn Bulanadi, Justine Baltazar, Dave Ildefonso, Thirdy Ravena, Kobe Paras, ang magkapatid na Juan at Javi Gomez de Liaño, Jaydee Tungcab at Dwight Ramos.
Papangalanan ni Dickel ang Final 12 ilang araw bago ang laban kontra Thailand.
- Latest