Eala kinopo ang Australian Open Jrs. title nakatuwang si Nugroho sa doubles
MANILA, Philippines — Muli na namang umangat ang bandila ng Pilipinas sa isang world-class event matapos magreyna si Alexandra Eala sa girls’ doubles ng prestihiyosong 2020 Australian Open kahapon sa Melbourne Park sa Australia.
Nakatuwang ni Eala si Indonesian Priska Madelyn Nugroho kung saan hindi pinaporma ng dalawang Southeast Asian netters sina Ziva Falkner ng Slovenia at Matilda Mutavdzic ng Great Britain sa championship round, 6-1, 6-2.
Si Eala ang kauna-unahang Pinay player at ikalawang Pinoy sa kabuuan na nagkampeon sa isang Grand Slam event.
Magugunitang pinagharian nina Francis Casey Alcantara at Taiwanese partner Hsieh Cheng-Peng ang boys’ doubles event noong 2009 edisyon ng Australian Jrs. Open.
Nakapasok sa finals sina Eala at Nugroho matapos patalsikin sina top seeds Kamila Bartone ng Latvia at Linda Fruhvirtova ng Czech Republic sa semifinals sa iskor na 1-6, 7-5, 10-8 noong Huwebes.
Kabilang din sa mga pinataob nina Eala at Nugroho ay sina Elina Avanesyan ng Russia at Liubov Kostenko ng Ukraine sa first round, 7-5, 4-6, 10-8; Julie Belgraver ng France at Pia Lovric ng Slovenia sa second round, 6-2, 4-6, 11-9; at seventh seeds Aubane Droguet at Selena Janicijevic ng France sa quarterfinals, 7-6 (2), 6-2.
Magandang resbak ito kay Eala na maagang nasibak sa girls’ singles event.
Inaasahang aangat pa sa world rankings ang No. 8 na si Eala sa oras na maidagdag ang nalikom niyang puntos sa singles at doubles event sa Australian Jrs. Open.
- Latest