Lady Chiefs sumosyo sa liderato ng NCAA
MANILA, Philippines — Nasawata ng nagdedepensang Arellano University ang pagtatangka ng San Sebastian College-Recoletos sa bisa ng 25-17, 25-18, 25-27, 25-13 desisyon upang sumosyo sa liderato sa NCAA Season 95 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Mabilis na nakabangon ang Lady Chiefs sa malamyang inilaro sa third set para pulbusin ang Lady Stags sa fourth frame.
Inilabas ni two-time Finals MVP Regine Anne Arocha ang kanyang bagsik matapos humataw ng career-high 24 points mula sa 19 attacks, 4 aces at 1 block para manduhan ang Lady Chiefs sa panalo.
Ang panalo ang nagdala sa Arellano sa sosyong pamumuno kasama ang Saint Benilde tangan ang magkatulad na 4-0 marka.
“Hindi talaga maganda ang laro ng mga players. Maraming off ngayon. setter ko wala, middle ko hindi effective ngayon,” ani coach Obet Javier.
Wala pa ring panalo ang Lady Stags sa apat na laro.
Sa men’s division, nagpasabog si Christian Dela Paz ng 29 points para buhatin ang Chiefs sa 25-23, 16-25, 25-27, 25-19, 16-14 panalo sa Stags at ilista ang 4-0 record kagaya ng nagdedepensang Perpetual Help Dalta.
- Latest