San Juan, Batangas wagi
MANILA, Philippines — Kinumpleto ni Jhonard Clarito ang dalawang free throws sa huling 3.2 segundo upang iangat ang San Juan Knights sa 70-67 panalo kontra sa Iloilo United Royals sa pagpapatuloy ng Chooks-to-Go-Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Lakan Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Biglang humataw ang Iloilo Royals para burahin ang 12 puntos na kalamangan ng San Juan sa 12-1 run na pinangunahan ni Rey Publico para lumapit sa 67-68 iskor mahigit 59 segundo pa ang nalalabi.
Nagkaroon pa sana ng tsansa ang Royals na bawiin ang bentahe, pero sinupalpal ni Mike Ayonayon ang floater ni Aaron Jeruta na siyang nagbigay daan para kay Clarito para muling tumuntong sa charity lane.
May sapat na oras pa sana ang Iloilo na tumabla ngunit sumablay ang triple ni Publico para bigyang daan ang panalo ng Knights.
Sa iba pang laro, ginapi ng Batangas City Athletics ang Navotas Clutch, 72-68.
- Latest